BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

tambling.


 

Habang-daan patungong Baclaran, nausisa ko ang mga taong nakatambay at nagkukumpulan sa kanto sa daang Longos palabas ng Cavite. Sapagkat naipit na naman ako sa masikip na trapiko, nagkaroon ako ng pagkakataong mamasdan ang kanilang pinagkakaabalahan.

Hindi ko mawari kung anong ekspresyon ang namumutawi sa mga taong nakakasaksi sa mga pangyayari ngunit sa diwa ko’y mauulinig na ito ay isang pambihirang pangyayari.

Sa gitna ng maalinsangang panahon, nagsimulang umingay ang paligid at dumami ang mga nakiki-isyoso sa nagkakagulong kumpulan ng mga tambay. Naging sanhi narin ito ng lalong pagsisikip ng trapiko na mas nakapagpabagal sa oras na kanina ko pa hinahabol.

Habang ang jeep na sinasakyan ko ay tila walang kamalay-malay sa mga nangayayari at patuloy ang pagtugtog ng nakabibingi nitong musika, napansin kong ang ilan sa mga pasahero ay nagpasya nang bumaba at maglakad na lamang pauwi ng kanilang bahay. Dama ko ang bawat patak ng butil ng pawis na tumatagaktak sa aking mainit na mukha.

Nagpatuloy akong magmasid sa paligid. Ang bawat isa’y may kanya-kanyang opinyon sa kaguluhang nagaganap. Ang bawat isa ay may sariling teorya sa kung ano ang nangyayari at kung ano nga ba ang mayroon. Mas tumindi ang ingay sa paligid. Nakabibinging busina, nakabibinging usapan, nakaririnding sigawan. Pakiramdam ko’y bigla akong umusbong sa isang mundong hindi ko naman kilala.

Marahil likas na sa akin ang pagiging tsismoso kaya’t hindi ko napigilang mag-usisa. Nagpasya narin akong bumaba at lumapit sa nagkukumpulang mga tambay sa kanto.

“Manong, ano pong meron? Grabe trapik! Bakit po sila nagkakagulo at nagsisigawan?” Tanong ko sa isang mamang bungal na may hawak na toothpick.

“Si Kris Aquino, nagshu-shooting!”
“Aaaaarrrghhhh!”

(Tambling ako!)

2009/10/13 Posted by | Uncategorized | 2 Comments

kabalintunaan.


 

Sa kung papaanong nalampasan ko na
ang pagkamatay sa iyong bawat pag-ngiti,
ngayo’y nais ko namang humalakhak
sa bawat pagkakataong
nakikita kitang malungkot.

Sa gayong paraan,
masasabi kong wala na nga,
wala na ang himutok nitong puso kong
dati mong sinaktan, pinahirapan at nilapastangan.

Sa kung papaanong naitago ko na
ang pagkalupol sa tuwing hinahagkan mo
ngayo’y nais ko namang lumundag sa tuwa
sa bawat pagkakataong
nababanaag kong nagdadalamhati ang iyong puso

Sa gayong paraan,
mapatutunayan kong lumipas na nga,
lumipas na ang dalamhati nitong mundo kong
ikinulong mo sa iyong sariling mga layaw

Sa kung papaanong napagtagumpayan ko na
ang makawala sa iyong mahigpit na yakap
Ngayo’y nais ko namang lumipad sa alapaap
sa bawat pagkakataong
bumabagsak ang luha sa iyong mga mata

Sa gayong paraan,
maiuulat ko sa buong mundong napawi na,
napawi na nga ang busilak kong pag-ibig
na iyong dinumhan kapalit ang pag-ibig niya.

Ngunit ganoon parin..
Sa huli…
Masaya ka…
At nandito ako,

sa isang tabi…

Nangungulila…

2009/10/13 Posted by | Uncategorized | Leave a comment

   

%d bloggers like this: