BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Una.


Kung bibigyan mo siya ng dahilan para ngumiti, saka mo lamang masisilayan ang kanyang mapuputing mga ngipin. Kung bibigyan mo siya ng dahilan para tumawa, saka lamang siya hahalakhak, saka mo lamang makikita na marunong din naman pala siyang humagalpak. Kung bibigyan mo siya ng pagkakataon na magsalita, saka mo lamang maiintindihan ang kanyang buhay, ang kanyang mga dalamhati, pati na rin ang kanyang mga pangarap.

Ganoon ang pagkakakilala ko sa kanya.

Noong una’y hindi ako makasakay sa mga trip niya. Marami kasi siyang mga plano sa buhay. At para sa katulad kong paisa-isa lamang kung gumawa ng plano, hindi ko maintindihan kung papaano ako gagalaw kapag kasama ko siya. Parang kay sikip ng mundo naming dalawa para sa akin. Hindi ko alam kung papaano siyang nakakagalaw na tila sa kanya lamang ang mundo. Iyon ang isang bagay na sobrang hinangaan ko sa kanya.

Sa paglaon, nakasakay naman ako sa biyahe niya. Naging maganda ang aming samahan. Naging mabuti kaming magkaibigan. Natutunan kong maintindihan ang bawat niyang galaw. Kung ano ba ang ibig sabihin ng kanyang mga ngiti o nang kanyang mga pagsimangot. Kung ano ang halaga ng kanyang pagtitig sa akin at kung ano ang gagawin ko sa tuwing masama ang timpla ng kanyang pasensya.

Minahal ko siya.

Kung susumahin ang mga pagkakataong nabigo ako sa paghahanap ng isang pag-ibig, hindi ko na siguro ito mabibilang. Maraming beses na siguro. Maraming-marami. At kailanman siguro’y hindi ako mapapagod kahit na ilang ulit akong pagsabihan ni Nanay na “hindi hinahanap ang pag-ibig anak, kusang dumarating ‘yan”. Hindi ako naniniwala diyan. Hindi kasi ako sanay na maghintay. Araw-araw ay hinahanap ko ito. Walang palya. Kung masasaktan, edi masakit. Kung papalarin, edi swerte. Ganun lang naman iyon, diba? Simple.

Nang dahil sa mga kakaibang trip niya sa buhay, marami akong natutunan. Mga bagay na akala ko noon ay imposible at hindi ko kayang gawin. Napakahirap ipaliwanag pero nakuha niya ang loob ko ng buong-buo. Hindi ko alam na masarap palang sumigaw sa itaas ng bundok at ilabas kung ano ang nararamdaman ng puso mo. Hindi ko alam na sobrang gaan pala sa pakiramdam kung maliligo ka sa ulan sa umaga habang binabagyo tayo ni Juan, at magtampisaw sa tubig baha kasabay ang mga batang kalye. At sobrang kabaliwan na siguro, pero nagawa kong tumawa ng tumawa ng tumawa sa loob ng jeep habang ang mga pasahero ay nakatingin lamang sa aming dalawa at nagtataka kung ano o sino ang pinagtatawanan namin. Sobrang nag-enjoy ako sa mga trip naming iyon na hindi ko maipagpapalit sa kahit ano.

Natulungan nya akong maniwala sa sarili ko na kaya ko. Nakakain ako ng mga pagkain na hindi ko inakalang makakain ko katulad ng langgam, uod, palaka at ahas. Nagawa niyang patayuin ako sa loob ng sinehan habang inaawit ang lupang hinirang. Hindi ko rin akalaing mapaglalakad niya ako sa loob ng mall habang nanlilimahid ang kamay at mukha dahil sa ice cream ng hindi nahihiya. Nagawa niyang paglaruin akong muli ng sipa at luksong baka at muli’t muli’y bumalik sa alaala ng aking kabataan. Sa kanya ko lahat naranasan iyon.

Hindi ko alam kung papaanong sa tuwing ngumingiti siya ay gumagaan ang pakiramdam ko kahit sobrang pagod ako sa pagta-trabaho sa gabi. Nagagawa ko nang kumuha ng lakas para sa buong maghapon naming paglalakad. Ngayon masasabi kong sinuwerte na ako sa paghahanap. Natagpuan ko siya. O marahil, natagpuan niya ako at napawi na ang lahat ng pangamba ko sa buhay. Masaya akong kasama sya at pakinggan ang kwento niya kahit paulit-ulit.

Hindi ako nahihiya kahit pa tumalsik ang laway ko kapag nagsasalita, o kahit na mapautot ako habang humahalakhak.

Mahal ko siya at para sa kanya ang araw na ito. Salamat at dumating ka sa buhay ko, Mahal.

2010/10/27 - Posted by | Sari-saring Katangahan.

4 Comments »

  1. weh? pasweet naman ng post..nagmamantsari.nakaka inggit….aahahhahaa….last time siguro na naransan ko ang kilig is 10 years ago..ahahah…nalimutan ko na ngayun kung pano..

    joke.ahahahhaa..

    Comment by Maldito | 2010/10/28 | Reply

    • hahaha, hanapin mo din kasi.. Wag ka maniwala sa Nanay ko na ang pag-ibig ay kusang dumarating, hinahanap din yan… hehehe. Good luck sa journey! :]

      Comment by iprovoked | 2010/10/28 | Reply

  2. awwww. happy monthsary sa inyo.🙂

    Comment by gillboard | 2010/10/28 | Reply

  3. Salamat Gilbert! :]

    Comment by iprovoked | 2010/10/29 | Reply


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: