BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Masaya.


Okay, medyo emo ang post ko ngayon. Kakagaling ko lang kasi mula sa Bundok ng Ugu sa Nueva Vizcaya kung saan nakita ko ang pinakamagandang tanawin sa itaas ng bundok. Kung ilalarawan ko ito, marahil masasabi kong ito na ang pinakamalapit sa langit na lugar na napuntahan ko. Nasa paanan ko ang mga ulap habang niyayakap ako ng sobrang lamig na hangin mula sa Tsina. Napakahirap akayatin ng bundok na ito. 2,156 meters above sea level. Isipin mo na lang kung gaano kataas yan at kung papaano ako nagpunyagi na marating ang tuktok nito. Isang kamangha-manghang tanawin pagkatapos. Sa katunayan, ayaw ko nang bumaba kaso naisip ko holiday kinabukasan, sayang ang double pay kaya papasok na lang ako para magtrabaho.

Ito ang Bundok ng Ugu sa Nueva Vizcaya. Sea of clouds under my feet!

 

Yung kanta ni Bamboo ang paulit-ulit na inaawit ng aking isipan habang naglalakbay. Alam mo ba yung kantang Masaya? Basta kanta yan ni Bamboo, i-youtube mo na lang. Noong una, hindi ko naman talaga alam yung lyrics, basta kanta lang ako ng kanta dun sa part ng “…ganyan talaga, masaya…”. Puro ganun lang. “…ganyan talaga, masaya…”. Paulit-ulit. Saka ko lang naintindihan ang kanta nung tinanong ko si pareng google. At ito ang sinabi nya:

“…Ang pag-ibig
Ganyan talaga.
‘Pag bago pa ang pag-ibig
Ganyan talaga
Masaya…”

Sapul na sapul ang kuya nyo dahil totoo. Masaya ako, sobra-sobra ang kasiyahan ko noong una at bago pa lang ang aking “pag-ibig”. Araw-araw may “I love you”, bawat minuto may kiss at kung anu-anu pang ka-kesohan! Pero ngayon, hayst! Ewan ko. Ganito yata talaga ako, madaling magsawa. Sabi nila ‘pag nagmahal ka daw, hindi ka magsasawa at palagi ka lang masaya. Pero sa tingin ko naman parang hindi eh. Parang nakakasawa yung palagi kang kinikilig. Ewan. Oh siguro nga, hindi pa talaga ako nagmamahal ng tunay. Mahirap i-explain basta alam mo na yan.

Noong natuto akong mag-explore ng mga bagay-bagay sa edad na bente tres [at Oo, late bloomer ako], nagustuhan ko ang mundong nakita ko. Sobrang kakaiba ito sa dati kong mundong sobrang malamya at nakakainip. Natuto akong maglaro at makipaglaro. Natuto akong umindak sa saliw ng musika sa panahon ng mga makabagong kabataan. Ang makipagkilala at makihalu-bilo sa mga taong mas malawak ang pananaw kaysa sa akin. At doon ako maraming natutunan. Natutunan ko kung papano ang masaktan, kung papano ang umilag sa sakit at kung papaano manakit ng kapwa ko. Naging magaling ako sa pakikipagharutan at pakikipaglandian. Madami ang umiyak, namuhi at nasaktan dahil sa akin, may mga pagkakataon din namang may mga taong nakasakit sa akin ng husto. At ang lahat ng iyan, hanggang sa ngayon ay na-eenjoy ko. Kahit mali o kahit tama, lahat ay ginagawa ko ayon sa sarili kong disposisyon at prinsipyo.

Kaya siguro ako nagkakaganito. Sa tingin ko hindi pa ako handa para sa isang seryosong relasyon. Sobrang hinahanap-hanap ko ang pakikipaglandian at pakikipagharutan. Simula kasi noong makipagrelasyon ako ng seryoso, naging isang matapat at kapita-pitagang partner ako sa aking mahal. Iniwasan ko ang mga makamundong pagnanasa at pinilit kong maging isang huwaran para sa ating mga kabataan, world peace! At isang bagay yan na alam kong kaya kong ipagpatuloy hangga’t may isang taong nagmamahal din sa akin ng tapat. Seryoso kapag seryoso.

Sa ngayon, hindi ko masabi kung masaya nga ba ako. Yun lang naman ang gusto nating lahat eh, ang maging masaya. Sabi nila, happiness is a choice. Pero maraming choices sa mundo, at para matamo mo ang happiness na inaasam mo, kailangan mong mag-try ng mag-try na hanapin ito. Hindi pwedeng “Oh sige, pipiliin ko maging masaya forever!” dahil maraming kulang, marami ding maaaring masaktan kung pipiliin mo lang maging masaya. Mahirap mag-explain. Basta alam mo na yan.

Ganyan talaga… masaya!

Advertisements

2010/11/29 Posted by | Sari-saring Katangahan. | 13 Comments

Blackboard.


Hindi kami mayaman. Sa katunayan, may ilang taon din kaming tumira sa isang squatter’s area sa Mandaluyong bago kami makabili ng bahay sa Cavite. Lumaki akong salat sa karangyaan (pang-MMK, Dear Charo!, LOL) at mga materyal na bagay. Lahat ng bagay noon para sa pamilya ko ay sinusukat at tinitimbang para umakma sa budget ng aming buong mag-anak. Hindi kami nahumaling sa mga magagarang bagay dahil noon pa lang, ipinamulat na sa amin ng aming mga magulang na maging kuntento sa kung ano ang meron at magtiis sa kung ano ang wala. Nakapag-ulam na ako ng toyo. asin, mantika, at syempre ang paborito kong ketchup! Noong bata pa ako, walang rekla-reklamo, lamon lang kung lamon kung ano ang nasa mesa. Wala din namang choice.

Anyway, hindi naman yan ang punto ng kwento ko ngayon. Napadaan lang sa isip ko kaya isinama ko na rin. Actually, tungkol ito sa house chart ng nanay ko sa bahay namin para sa mga household chores na kailangan naming gawin magkakapatid.

Madalas kaming mag-away ng mga kapatid ko dahil sa mga gawaing bahay. Kung sino ba dapat ang maghuhgas ng plato, kung sino na ba dapat ang magwawalis ng sala, ang maglilinis ng mga kwarto, maglalaba ng mga underwears at  kung sino na ba ang naka-schedule maglinis sa harapan ng gate namin. Halos araw-araw ay pinagaawayan namin yan mga mga kapatid ko. At hindi lang basta away na sigawan kundi may pisikalan! At syempre dahil sa ako ang pinakamatanda, kapag wala si Mama sa bahay, ako lagi ang panalo. Lagi akong nakakatakas sa mga gawaing bahay lalo na nung nag-high school ako. Nagagawa ko nang dahilan ang mga projects at assignments ko para makatakas sa mga tinataguan kong gawain. Masarap talagang maging panganay.

Noong hindi na matiis ng nanay ko ang mga bangayan naming magkakapatid tungkol sa mga household chores, naisipan niyang bumili ng maliit na blackboard. Yung may alphabets sa gilid at may maliit na orasan sa bandang dulo. At mula noon ay nilagyan nya ng schedule ang mga gawaing bahay namin. Umaga ako maghuhugas ng plato after ng breakfast, Tangahali yung kapatid ko namang babae at sa gabi naman yung bunsong lalaki. Kasama na rin sa chart na yun ang schedule para sa paglilinis ng banyo, ng sala at ng bakuran. Kaya wala nang makapagreklamo sa amin dahil documented na ang aming trabaho sa bahay. Medyo nakakalusot lang ako kapag kailangan kong pumasok ng maaga sa school para gumawa ng project. Kaya naman kapag nakakalusot eh inaaraw-araw kong pumasok ng maaga sa school. Pero madalas naman akong nabubuking kaya hindi rin ako nakakalusot.

Sa lahat pa naman ng mga gawaing bahay, yang lintik na mga plato na yan ang pinaka-kinamumuhian kong gawin. Basta I hate washing the dishes. Really, really, really freakin hate it. Ganun ko sya ka-hate subra!!!

Natapos na lang ang aking mga paghihirap sa mga gawaing bahay na yan noong nagka-trabaho na ako. Nagalit na sa akin ang mga kapatid ko dahil wala na ako sa schedule chart ni Mama. Ang dahilan ko, pagod na pagod na ako sa trabaho at hindi ko na kayang gumalaw pa para maghugas ng plato. Arte-arte lang.

Nagsimula akong magbuhay señorito noong naging maganda-ganda na ang trabaho ko. Yung limpak-limpak na salapi na ang naiuuwi ko sa bahay [exaggerated lang]. Kumuha pa ako ng katulong para syempre hindi na magalit sa akin ang mga kapatid ko [P800/month] LOL. So ayun, naging masaya naman ang lahat. Ang trabaho ko na lang ngayon eh maglaba ng sarili kong mga underwear dahil ayoko pinapalabhan ang mga boxers and briefs ko. Baka kung ano pa makita nila don.

May mga bagay din namang naituro sa akin ang ginawang iyon ng nanay kong echosera. Natuto akong sumunod sa schedule. Natuto akong magplano at maglaan ng oras para sa isang bagay at syempre, natuto akong gampanan ang aking maliit na responsibilidad. Nadala ko iyon hanggang sa aking pagkikipagsapalaran sa tunay na buhay. At masasabi kong ito ang napakagandang ipinamana sa akin ng nanay ko, bukod sa magandang edukasyon at yung napakalaking hacienda namin, char!

At ngayon… ngayong may sarili na akong baaaahaay [yehey!!!] alam kong hindi na ako mahihirapan sa pagpapanatili nito. Isang bagay na sobrang proud ako. Pagkatapos ng isang mahabang paghihirap, nagbunga na rin ang aking mga pagpupunyagi, ate Charo [MMK talaga]. Hindi siya kagandahan, hindi magarbo, simple lang. Para sa akin lang talaga. Isang kayamanang maituturing para sa hindi naman lumaki sa layaw na katulad ko.

Hanggang dito na lamang, ate Charo. Salamat sa pagbabahagi ng aking kasaysayan. Nawa’y maraming ma-inspire sa aking istorya. At sana’y may makahula sa title ng MMK episode ngayong gabi.

 

Nagmamahal,

Bienthoughts Muy Bienthoughts

2010/11/22 Posted by | Sari-saring Katangahan. | 10 Comments

Sumpa.Pacquiao.Part.2


Wyngard Tracy

Ayoko talaga mag-isip ng masama about Manny Pacquiao’s victory, pero palaging nagkakatotoo na kapag nanalo siya sa mga laban niya, one soul is taken away. Isang sikat na personalidad ang namamatay.

Talent manager Wyngard Tracy passed away early this morning, at around 3:45 a.m., November 16. Tracy is the manager of Richard Gomez, Lucy Torres, Wendell Ramos, John Estrada, and Priscilla Meirelles—all of whom were former talents of Douglas Quijano who died last year.

Tracy was rushed to Makati Medical Center on October 20. Reports said he suffered his third stroke. The following day, on October 21, Tracy had an operation to remove the blood clot in his brain. Earlier in July, Tracy underwent a heart surgery after he was rushed to the hospital due to a heart attack. Tracy started his career in showbiz as a production assistant in the 1970s. He later became a DJ of the first pop radio station in the FM band, DWWK.

Soon after, Tracy was tapped to manage the roster of talents in Vicor Entertainment Corporation. His first talent was Basil Valdez. Other talents he managed in Vicor include Pinky de Leon, Leah Navarro, and Maricris Bermont.

After two years, Tracy set up his own talent management agency, ArtistStation, where he managed artists like Pilita Corrales, Maricel Soriano, Aiko Melendez, Jaya, Side A, Freestyle, Martin Nievera, Luis Manzano, Arnel Ignacio, Hans Montenegro, and Willie Revillame. -PEP.ph

 

Kung anuman ang misteryong bumabalot sa pangyayaring ito, mananatili pa ring pala-isipan ang lahat para sa mga katulad kong napaka-chismoso at observant. Nakakatakot. Natatakot ako sa mga ganitong uri ng kababalaghan. Ang nasa isip ko, yung mga plot ng movies na napapanood ko na tungkol sa sumpa, na ibibigay sa’yo ang lahat ng gusto mo, kayamanan, kapangyarihan, kasikatan, kagandahan, ngunit para mapanatili mo ito, kailangang mag-offer ka ng isang kaluluwa sa demonyo. Waaaah! Skery!

So, I’m giving this mystery the benefit of the doubt again. Baka nagkataon lang din naman ito. Hindi natin alam. Diyos lang ang may alam at ipinauubaya ko na kay Papa Jesus ang kasagutan sa kagimbal-gimbal na phenomena na ito [phenomena talaga?] haha. May they rest in peace!

Manny Pacquiao, para pa rin sa iyo ang tula kong ito.

Panalo ka Manny, panalo ka! 😐

2010/11/16 Posted by | Sari-saring Katangahan. | 6 Comments

Sumpa.Pacquiao


may sumpa raw ang iyong tagumpay, Manny

at hindi lang ang pagkatalo ng iyong kalaban

ang aking inaabangan

at sinusubaybayan

pati na rin ang pagkawala ng buhay

ng isa na namang bituin

sa tuwing ika’y magwawagi

 

si Ernie Baron

Si Marky Cielo

si Nida Blanca

si Palito

si Johnny Delgado

ang anak ni Cesar Montano

lahat sila namatay ilang araw o linggo

matapos ang iyong panalo

paano mo maipapaliwanag ito?

 

sa bawat mong galaw at suntok

sa bawat pagpupunyaging maisahan ang kalaban

sa bawat saglit na ika’y madaplisan

napapatili ang aking puso

 

isa kang mahirap

dati kang isang kahig

kung minsan walang tuka

ngunit nangarap ka

at sinuntok ang sinumang

nagtangkang humarang sa iyong mga adhika

 

ngayon nama’y tignan mo ang iyong ina

si Dionisia

at ang iyong asawa

si Jinky

magkamukha na sila

tinatamasa ang iyong kasikatan

ang iyong kayamanan

mga mapapalad

 

kung totoo mang ang lahat ay may kapalit

panalo ka Manny, panalo ka!

napapasigaw ako sa bawat sapak mo

sa mukha ng iyong kalaban

umaasang ang iyong bawat banat

ay mag-uuwi ng karangalan

sa minamahal kong bayan

 

saludo ako sa’yo Manny

sa iyong bituing nagniningning

sa nanay mong yumaman na rin

sa asawa mong modelo na ni Belo

at sa iyong Ingles na pang-gago

saludo ako sa’yo.

 

kung nakipagkasundo ka man sa demonyo

upang makamit mo ang lahat ng ito

kung ang bawat tagumpay mo’y isang kaluluwa ang mawawala

panalo ka Manny, panalo ka!

aabangan ko

sa bawat panalong laban mo

ang susunod na bituin

na mamatay at maglalaho sa dilim

 

hindi kita sinisisi, Manny

marahil, lahat ng ito ay pagkakataon lamang

ngunit naghahanap ang aking puso

ng kasagutan

sa sumpang ito, Manny

ikaw ang panalo

panalo ka, Manny!

saludo ang sambayanang Pilipino

sa iyo…

sa iyo…

sa sumpa mo!

 

2010/11/15 Posted by | Sari-saring Katangahan. | 15 Comments

Award.


Speech-speechan:

Salamat Kuya Kiko sa makabuluhang award na ito! Salamat sa suporta ng aking mga kaibigan, pamilya at mga katoto dito sa blogworld. Hinding-hindi ko ito makakalimutan! [Gusto ko sanang magsabi ng CHAR! kaya lang baka mapagkamalan akong bading! char!] hahaha!

Kasi naman pang URIAN at FAMAS ang speech eh. hahaha. Salamat sir Kiko dito. At kahit na gustong-gusto ko mang gawin yang mga award-award na ganyan eh hindi ko po muna ito gagawin. Eh kasi nagsisimula pa lang naman ako magsulat ulit pagkatapos ng maraming taong hindi ako nakapagsulat.  Saka na ako magbibigay ng award kapag madami na akong naisulat na walang kwenta. LOL. Napabayaan ko kasi yung dati kong blogsite dahil ang dami-dami kong modus operandi na sinalihan. haha.

At ngayong nagbabalik na ako sana hindi ko na ito mapabayaan. Siguro magpopost na lang ako dito ng mga blogsites na binibisita ko na I find really interesting. Iisa-isahin ko kayo. haha.

At dahil dyan, eto lalagay ko na ‘tong signature mo Kiko! Mabuhay ang sambayanang Pilipinong blogger! hehe. :]

2010/11/10 Posted by | Sari-saring Katangahan. | 8 Comments

%d bloggers like this: