BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Masaya.


Okay, medyo emo ang post ko ngayon. Kakagaling ko lang kasi mula sa Bundok ng Ugu sa Nueva Vizcaya kung saan nakita ko ang pinakamagandang tanawin sa itaas ng bundok. Kung ilalarawan ko ito, marahil masasabi kong ito na ang pinakamalapit sa langit na lugar na napuntahan ko. Nasa paanan ko ang mga ulap habang niyayakap ako ng sobrang lamig na hangin mula sa Tsina. Napakahirap akayatin ng bundok na ito. 2,156 meters above sea level. Isipin mo na lang kung gaano kataas yan at kung papaano ako nagpunyagi na marating ang tuktok nito. Isang kamangha-manghang tanawin pagkatapos. Sa katunayan, ayaw ko nang bumaba kaso naisip ko holiday kinabukasan, sayang ang double pay kaya papasok na lang ako para magtrabaho.

Ito ang Bundok ng Ugu sa Nueva Vizcaya. Sea of clouds under my feet!

 

Yung kanta ni Bamboo ang paulit-ulit na inaawit ng aking isipan habang naglalakbay. Alam mo ba yung kantang Masaya? Basta kanta yan ni Bamboo, i-youtube mo na lang. Noong una, hindi ko naman talaga alam yung lyrics, basta kanta lang ako ng kanta dun sa part ng “…ganyan talaga, masaya…”. Puro ganun lang. “…ganyan talaga, masaya…”. Paulit-ulit. Saka ko lang naintindihan ang kanta nung tinanong ko si pareng google. At ito ang sinabi nya:

“…Ang pag-ibig
Ganyan talaga.
‘Pag bago pa ang pag-ibig
Ganyan talaga
Masaya…”

Sapul na sapul ang kuya nyo dahil totoo. Masaya ako, sobra-sobra ang kasiyahan ko noong una at bago pa lang ang aking “pag-ibig”. Araw-araw may “I love you”, bawat minuto may kiss at kung anu-anu pang ka-kesohan! Pero ngayon, hayst! Ewan ko. Ganito yata talaga ako, madaling magsawa. Sabi nila ‘pag nagmahal ka daw, hindi ka magsasawa at palagi ka lang masaya. Pero sa tingin ko naman parang hindi eh. Parang nakakasawa yung palagi kang kinikilig. Ewan. Oh siguro nga, hindi pa talaga ako nagmamahal ng tunay. Mahirap i-explain basta alam mo na yan.

Noong natuto akong mag-explore ng mga bagay-bagay sa edad na bente tres [at Oo, late bloomer ako], nagustuhan ko ang mundong nakita ko. Sobrang kakaiba ito sa dati kong mundong sobrang malamya at nakakainip. Natuto akong maglaro at makipaglaro. Natuto akong umindak sa saliw ng musika sa panahon ng mga makabagong kabataan. Ang makipagkilala at makihalu-bilo sa mga taong mas malawak ang pananaw kaysa sa akin. At doon ako maraming natutunan. Natutunan ko kung papano ang masaktan, kung papano ang umilag sa sakit at kung papaano manakit ng kapwa ko. Naging magaling ako sa pakikipagharutan at pakikipaglandian. Madami ang umiyak, namuhi at nasaktan dahil sa akin, may mga pagkakataon din namang may mga taong nakasakit sa akin ng husto. At ang lahat ng iyan, hanggang sa ngayon ay na-eenjoy ko. Kahit mali o kahit tama, lahat ay ginagawa ko ayon sa sarili kong disposisyon at prinsipyo.

Kaya siguro ako nagkakaganito. Sa tingin ko hindi pa ako handa para sa isang seryosong relasyon. Sobrang hinahanap-hanap ko ang pakikipaglandian at pakikipagharutan. Simula kasi noong makipagrelasyon ako ng seryoso, naging isang matapat at kapita-pitagang partner ako sa aking mahal. Iniwasan ko ang mga makamundong pagnanasa at pinilit kong maging isang huwaran para sa ating mga kabataan, world peace! At isang bagay yan na alam kong kaya kong ipagpatuloy hangga’t may isang taong nagmamahal din sa akin ng tapat. Seryoso kapag seryoso.

Sa ngayon, hindi ko masabi kung masaya nga ba ako. Yun lang naman ang gusto nating lahat eh, ang maging masaya. Sabi nila, happiness is a choice. Pero maraming choices sa mundo, at para matamo mo ang happiness na inaasam mo, kailangan mong mag-try ng mag-try na hanapin ito. Hindi pwedeng “Oh sige, pipiliin ko maging masaya forever!” dahil maraming kulang, marami ding maaaring masaktan kung pipiliin mo lang maging masaya. Mahirap mag-explain. Basta alam mo na yan.

Ganyan talaga… masaya!

2010/11/29 - Posted by | Sari-saring Katangahan.

13 Comments »

  1. Akala ko tungkol lang sa bundok ng Nueva Vizcaya ang post pero may kwentong malalim pala. Una maganda ang napuntahan mo. Kainggit.

    Tungkol sa pag-ibig, nasa iyo kasi yan eh at sa partner mo. Pero totoo, sa simula masaya pero yung kasunod ay nakasalalay na sa inyong dalawa kung papasayahin mo pang lalo, magtyatyaga kayong masaya lang o magpapaka-emo kayo at magbebreak.

    Ganyan talaga… 😛

    Comment by klet makulet | 2010/11/29 | Reply

    • Siguro nga tama ka Klet! Nasa sa amin yan kung magtatagal o hindi. It takes two to tango ika nga. baka nga nabobored lang ako sa set up namin. I need to do something para maging masaya ulit. Bahala na. Thanks much! Ganyan talaga! :]

      Comment by iprovoked | 2010/11/29 | Reply

  2. wow ganda ng sun o.. wow bakit parang lahat ng tao ngayon emo…

    Comment by Kikomaxxx | 2010/11/29 | Reply

    • Kasi magpapasko na kaya emo lahat. hahahaha.

      Comment by iprovoked | 2010/12/01 | Reply

  3. Hindi pa lang siguro dumating yung time mo para magmahal nang tunay na tunay, as in yung humahagulhol ka sa kaligayahan. Darating rin yun at sasakit rin ang ulo mo hehe. So as for now, grasp whatever traces of happiness you can…

    kakaiba yung kantang yun. Masaya ang title pero ang lungkot ng tunog…

    Comment by glentot | 2010/11/29 | Reply

    • Ironic. haha. Gusto ko maranasan yan.. yang humahagulhul sa kaligayahan.. sounds interesting! lol

      Comment by iprovoked | 2010/12/01 | Reply

  4. time will come and you’ll be in love with someone. unexpectedly, darating yun. 😀

    so far ienjoy mo muna. 🙂

    Comment by ced | 2010/11/30 | Reply

    • thanks Ced. I’ll do my best! :]

      Comment by iprovoked | 2010/12/01 | Reply

  5. wag ka nang emo. 😦

    Comment by Mental Climax | 2010/11/30 | Reply

    • opo hindi na po! Thanks! :]

      Comment by iprovoked | 2010/12/01 | Reply

      • :”>

        Comment by Mental Climax | 2010/12/01 | Reply

  6. yown oh. mountaineer ka din pala.

    at bakit ang emo ng post? wapax.

    Comment by bulakbolero | 2010/12/01 | Reply

    • hahaha, napadaan lang ang pagka-emo. Ngayon okay na ako! LOL.. Umaakyat ka din ng bundok? Nice! Tara akyat na lang tayo ng bundok!!!

      Comment by iprovoked | 2010/12/01 | Reply


Leave a comment