BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Tinimbang Ka Ngunit Kulang. (Isang Salin ng “The Sacrifices Of A Mother”)


click to follow photo source

Pinangarap ka niya  noong siya’y musmos pa lamang habang kinakarga ang laruang manika sa kanyang mga bisig. Sa kanyang panaginip ay nakikita ka niyang naglalaro sa isang maliit na bahay-bahayan.

Dinala ka niya sa kanyang sinapupunan na tuwing umaga’y nanghihina ang katawan. Isinilang ka niya sa mundong ito kasabay ang isang walang kapantay na sakit ngunit nang marinig ang iyong unang pag-iyak at makita ang iyong maliit na mukha ay nalimutan ang lahat, bagkus ay lumuha dahil sa kasiyahan.

Pinasuso ka niya at sa iyo lamang umikot ang kanyang mundo. Tuwing gabi naman ay panakaw siyang sumisilip sa iyong silid para bantayan kang matulog at alam niya – ikaw ang pinakamaganda sa buong mundo. Kung ikaw ay may sakit ay magdamag siyang nagbabantay hanggang sa ikaw ay gumaling at sa umaga ay nakapaghahanda pa ng makakain kahit na puyat. Hindi maipaliwanag ngunit nararamdaman niya sa tuwing kailangan mo siya kahit sa kalagitnaan ng kadiliman ng gabi – dumarating siya upang palitan ang iyong kobre-kama at masigurong ikaw ay maayos na nakakatulog.

Kapag malamig ay sinisigurado niyang balot ng panlamig ang iyong katawan. Palagi niyang binabantayan kung nagawa mo na ang iyong takdang-aralin. Sinisigurong nakapag-ensayo ka na sa pagtugtog ng piano o di kaya’y nakapaghanda na para sa iyong larong basketbol. Palagi ka niyang sinasabihang magsipilyong mabuti dahil kapag hindi ay magagalit ang iyong “tooth fairy”.

Palagi niyang sinisiguradong ikaw ang kakain ng hita ng manok at sa tatay mo ang pitso at madalas magkukunwaring mas gusto niyang kainin ang pakpak at leeg. Ang biskwit na palagi niyang ginagawa ay parang gamot na nagpapatahan sa iyo matapos kang awayin ng iyong kalaro. Palagi siyang nakikinig sa iyong kwento kahit na alam mong hindi naman ito kahali-halina. Naniniwala siya sa iyong kakayahan kahit na ikaw ay pinanghihinaan ng loob. Palagi ka niyang ipinagdarasal kahit na sa tingin mo ay hindi mo naman ito kailangan. Matapang ka niyang dinidisiplina kapag napapansin niyang lumalagpas ka na sa iyong mga limitasyon at kapag naisasa-alang-alang na ang iyong kaligtasan. Alam niya kung kailan ka dapat pagsabihan o paluin kapag pinipilit mo ang isang bagay na alam niyang hindi makabubuti para sa iyo. Hindi ka niya palaging binibigyan ng kendi kahit gusto niyang pagsawain ka dito.

Palagi ka niyang hinihintay kapag ginagabi ka ng uwi. At dahil alam niyang naiinis ka sa kanya ay nagtutulug-tulugan siya gaya ng ginagawa mo noong maliit ka pa kapag gusto mong buhatin ka niya papunta sa iyong kwarto. Binabasahan ka niya ng Bibliya at sinisiguradong ang buong pamilya ay nakakapagsimba tuwing araw ng pangilin. Tinatahi niya ang iyong mga damit kapag ito ay may punit at masakit sa kanyang makitang kinalakhan mo na lang ang mga ito at hindi na maaari pang isuot. Alam niyang ipinahiram ka lang ng Diyos sa kanya at hindi magtatagal ay nakatadhana kang mamuhay sa labas ng bakuran ng inyong tahanan, mandin, magiging tahimik na naman ang inyong bahay. Naghuhugas siya ng inyong pinagkainan at naglalaba ng gabundok na damit.

Ang tapat niyang panalangin ang kaya lamang niyang isukli bilang pasasalamat dahil ibinigay ka ng Diyos sa kanya. Binalot niya ang inyong tahanan ng kanyang halimuyak, kagandahan at musika; binalot ng amoy ng kanyang pabango na wangis ng mga bagong pitas na bulaklak, ang amoy ng almusal sa umaga at ang maaliwalas na simoy ng hangin tuwing Linggo. Maaaninag mo sa kanyang mga mata ang kaligayahan at ang kagandahan ng buhay kahit na maraming ulit na siyang umiyak  at nag-alala para sa iyo nang walang nakakaalam kahit ikaw.

Kapag Pasko o Bagong Taon, maaga siyang namamalengke para pagdating ng Noche Buena o Medya Noche ay mapagsaluhan niyo ang mga pagkaing kanyang iniluto. Nais niyang ang bawat okasyon ay maging masaya para sa buong pamilya. Hindi mo man siya tinutulungang maghugas ng pinagkainan o magpasalamat man lang sa napakasarap na hapunan ngunit sa kanyang puso’y mananatili ang alaala ng gabing iyon habambuhay. Madalas siyang mag-experimento ng lutuin at sinisiguradong masarap ito para lang panoorin ka niyang kumain. Masaya siya kapag napaparami ang kain mo at nauubos ang kanyang niluto.

Nagtitiis siyang magsuot ng lumang damit para maibili ka ng iyong PSP. Hindi na siya nagbabakasyon o kinakalimutan na  lang ang anibersaryo para makasama ka sa iyong field trip. Tinitipid ang sariling pangangailangan para may maipangibili ng gusto mong gitara. Hindi niya alintana ang mapaglipasan na ng panahon basta maibili ka niya ng gusto mong sapatos. Hindi niya iniwan ang inyong pamilya kahit may mga pagkakataong hindi naibibigay ng iyong ama ang kanyang mga pangangailangan bilang asawa.

Palagi niyang sinisisi ang sarili kapag may mga kabiguan ka at hinahayaang ang iyong ama ang magtamasa ng iyong mga tagumpay tulad ng pagakyat mo sa entablado noong magtapos ka sa iyong pag-aaral.

At sa kabila ng lahat ng ito, kung saan masasabi ng lahat na ang pagiging ina ay isang sagrado at dakilang propesyon, hindi pa rin ito sapat sa kanya para matawag siyang mabuting ina. Nangangahulugan lamang na hindi siya titigil habang may lakas pa para ikaw ay mahalin, alagaan at pagsilbihan.

(*Disclosure: Tinagalog ko lang ang sualting ito. Para mabasa ang English Version, click here)

2011/05/04 - Posted by | Sari-saring Katangahan.

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: