BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap! (Part 1)


Isang taon na ang nakararaan simula ng magpasya ang buong Pilipinas kung sino ba ang dapat na mamuno sa ating mahal na bayan, at ayon sa PCOS Machine, ang pinakamataas na posisyon ay nararapat na ibigay kay Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi ko na ikakaila na hindi ko siya ibinoto sa kadahilanang hindi ako naniniwala sa mga platapormang inihain niya para sa taong bayan. At kung itatanong kung sino ba ang ibinoto ko, hindi ako magdadalawang-isip na sabihing si Gilbert Teodoro. Pero hindi ito isang pambabatikos laban sa kasalukuyang administrasyon, gayundin naman, hindi ito isang pagtataas para sa aking napiling kandidato isang taon na ang nakararaan. Bagkus, ito ay isang obserbasyon mula sa isang simpleng mamamayan na nagmamahal sa kanyang bayang sinilangan. Anu’t-anu pa man, bago ko pa tapusin ang sulating ito, masasabi kong mabuti na lang at hindi ko ibinoto si Noynoy.

Magsisimula ako sa kanyang famous campaign slogan: Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap. Ang slogan na ito ang nagpa-alab ng puso ng maraming Pilipino na naniniwala na kung mawawala ang corruption ay magiging mayaman ang bawat Pilipino. Kasunod pa nito, marami ding Pilipino ang naniniwala na ang papalitang administrasyon ni Noynoy ay ang pinaka-corrupt na administrasyon sa kasaysayan ng Pilipinas kaya marahil maraming nahumaling sa kanyang pangakong aalisin niya ang pangungurakot at hindi siya kailanman magnanakaw.

Isang taon makalipas ang pagyakap ng mga Pilipino sa pangakong ito, umaasa ang karamihan na kahit papaano ay mababawasan nga ang corruption sa bansa. Ngunit sa isang pag-aaral na ginawa ng Political-Economic Risk Consultancy Ltd. (Hong Kong), ang corruption index ng ating bansa ay lumala pa ngayong taong ito. Mula 8.25% noong panahon ni XPGMA, ito ay bumulusok sa 8.9% at ngayon ay pangatlo pa rin sa sampung pinaka-corrupt na bansa sa buong Asya.

Isa pang pag-aaral mula sa Global Integrity sa Washington ang nagbigay sa Pilipinas ng mababang marka kung corruption ang pagbabasehan. Ang pinakamataas na puntos ay 100% ngunit nakakuha lamang ng 57% (“weak”) rating ang Pilipinas sa aspeto ng corruption sa ating gobyerno. Isa itong malaking pagbulusok pababa kung ikukumpara noong panahon ni Pangulong Gloria na mayroong  71% (“moderate”) na marka, taong 2008.

Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station, bumaba ang satisfaction rating ng pangulo. Mula 46%, ito ay bumagsak sa 18% na kung ikukumpara noong nakaraang tatlong buwan na 64% ay hindi maikakailang napakalaki ang ibinulusok nito pababa. Marahil reaksyon na rin ito ng mga tao sa lumalalang corruption sa ating bansa sa loob lamang ng halos isang taon. Sa iba pang survey ng SWS, nakakuha lamang ang pangulo ng 14% sa aspeto ng pagsupil sa corruption.

Kaninang umaga, bilang pag-gunita sa makasaysayang May 10, 2010 election, nagpost ako sa aking Facebook account ng aking shout out and I quote myself: “We are now reaping what we have sown exactly a year ago. I’m still wishing for the best. Yeah, it’s been a year and I still can’t believe not everyone thought the same way as I did last May 2010. I’m not saying it would have been better, I’m just saying we could have tried something new. Anyway, we deal with it. :|”

Isang mensahe ang naka-pukaw sa aking atensyon, and I quote: “Isang taon pa lang naman, let’s give him a chance”. Hindi ko maisip kung papaanong nasasabi ng mga tao na bigyan natin ng pagkakataon si Noynoy upang maayos pa ang ating bansa gayong isang taon pa lamang naman ang nakakalipas. Unang-una, meron lamang anim na taon ang pangulo para mapagsilbihan ang taong bayan, at ang unang taon ng kanyang panunugkulan ay hindi dapat maging “nesting period” bago magkaroon ng kahit na kakaunting pagbabago sa ating pamahalaan. Bago pa man siya umupo, naghain siya ng kanyang mga plano at naniniwala ako na ang isang taon ay sobra-sobra nang panahon para magkaroon ng hugis ang kanyang mga plataporma. Dapat bago pa man siya nagpasyang tumakbo ay konkreto na ang kanyang mga plano para kapag siya na ang nakaupo ay ipatutupad na lamang niya ito.

Para sa akin, ang “chance” na gustong ibigay ng marami kay Noynoy ay ang parehong “chance” na ibinigay na sa kanya noong nanalo sya sa pagkapangulo. Ngayon, kung sa loob ng isang taon ay “chance” pa rin ang hinihingi ng mga tao para sa kanya, hindi na ito makatarungan para sa bayan. Isang taon. Marahil bumaba na sana kahit sa maliit na saknong ang antas ng kahirapan sa bansa. Marahil bumagsak na sana ang bilang ng corruption, gayundin naman, naipatupad na sana niya ang ipinagmamalaki niya noong kampanya: Aquino: No new taxes if elected president na kung bakit ba pagkatapos niyang manalo ay nagkaroon kaagad ng 10% withholding tax sa lahat ng professional fees bukod pa sa mahigit isandaang porsyentong pagtataas ng mga toll fees, kasama na rin ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng gasolina at ng pamasahe.

Ngayon, busisiin nating mabuti: kung wala ba talagang corrupt, walang mahirap? Kung bakit hindi kailanman ako naniwala sa slogan na ito ay simple lang. Ang corruption ay likas na sa tao, maliit o malaking bagay man ito. Para sa akin, ang nagsasabing aalisin ang corruption ay katulad na rin ng pagsasabing aalisin niya ang kasalanan sa mundo na tunay namang napaka-imposible. Gaya din ng “Anim na Taong Walang Korapsyon” slogan ng isa pang presidentiable noong May 2010. Hindi na ito maaalis magunaw man ang mundo. Maaaring itong mabawasan ngunit ang mangako ka sa taumbayan na “aalisin” mo ang corruption ay isang kahibangan. Ngunit sa kasamaang palad, marami ang naniwala.

(to be continued)

2011/05/10 - Posted by | Sari-saring Katangahan.

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: