BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Tuwing Alas-Sais Ng Umaga, Nagiging Ibon Ako.


 

maraming ulit na,
mga bandang alas-sais ng umaga
madalas ko silang naaabutan,
sabay-sabay, pumapagaspas,
lumilipad at naglalaro sa himpapawid.
habang lulan ako ng traysikel
pauwi sa bahay at nakatunganga,
inaantok at nag-iisip nang matulog,
madalas ay mapapatingala ako sa alapaap
at sa isang iglap, sa loob ng kalahating sandali,
bubulabugin nila ang katahimikan
at mag-aawitan habang kumpol-kumpol,
sunod-sunod, magpapalutang-lutang sila
sa kalayaan ng kalawakan.
mga ibong walang malay,
mga ibong sadlak
sa isang mapagparayang umaga.
mga ibong sabik na mahagip
ang liwanag ng mapagmalaking araw…
tulad ko…

at sa huli, mag-iisip ako,
sa kabila ng nakaaaliw nilang kasiyahan,
saan ang tungo nila..
sa kabilang nayon ba kung saan
bubuo sila ng bagong pugad,
o sa karagatan upang maghanap ng makakain.
sa muling pagkakataon, hihikab ako.
isang malalim na paghikab tanda ng
nagbabadyang mahimbing na pagtulog.
tulad nila, iniisip ko rin,
saan ba ang byahe ko.
lumilipad ako ngayon, tulad nilang mga ibon.
maaring dalhin ako ng hangin
sa kabilang nayon upang magtagumpay.
o sa karagatan upang makita ko,
kung gaano kalawak pa ang mundo,
at kung gaano kahirap maglakbay
gamit lamang ang hubad kong mga paa.

at hihinto ang traysikel.
at magbabalik ako sa kasalukuyan.
ngunit ako pa rin ay ibon,
walang pakpak para lumipad, ngunit may paa.
lalakad ng lalakad. o tatakbo kapagdaka.
sa huli, ang ibon ay ako.
tuwing alas-sais ng umaga, minamasdan ko sila,
at ang sarili ko…

2011/08/31 Posted by | Sari-saring Katangahan. | Leave a comment

Walang Title.


noong mga araw na nagmamaktol ang buwan,

at tumigil itong harutin ang hiyas ng hangin at tubig,

at tila nagdaramot ng liwanag sa gabing malamya,

nakilala kita.

doon sa dalampasigan ng pighati,

ika’y naglalaro sa agos ng alon, nagluluksa…

 

gayundin ako noon, nagdadalamhati, nalilito.

sa pagyurak ng mga buhangin sa aking pagkatao

na dahan-dahang pumapalaot sa karagatan ng luha,

nakita kitang paparating, dala ang pag-asa

na nagsasabing malapit na ang umaga…

 

sa maraming pagkakataon na inanod ako ng mga paratang,

sa gitna ng alon ng panghuhusga ng kulturang kinasanayan:

 

na ang kay Juan ay para kay Juan.

na ang kay Pedro ay para kay Pedro.

na ang pag-ibig ni Malakas ay para kay Maganda,

na ang puso ni Adan ay para lamang kay Eba…

 

nakasalubong kita.

at sa dalampasigan ng walang hanggang panghuhusga,

sinamahan mo akong lumusong.

 

ngayon hindi na mahalaga kung maglaan man ng liwanag ang buwan sa ating nilalakaran.

o magdamot man ang araw ng init para sa malamig na umaga, o sa madilim na gabi.

 

hindi na mahalaga.

 

2011/08/25 Posted by | Sari-saring Katangahan. | Leave a comment

   

%d bloggers like this: