BienthoughtsMuyBienthoughts

one stupidity at a time won't hurt, will it?

Ang Madamot Na Ulan Ng Mga Alaala.


Ilang oras ko ring hinintay na bumuhos ang ulan ngayong araw habang nakaupo sa damuhan sa harapan ng aming bahay. Pero kahit isang patak, walang bumagsak mula sa ulap. Makulimlim naman ang paligid kahit mainit ang sikat ng araw, malakas din ang ihip ng hangin, malamig ang panahon, heto nga at naaamoy ko pa mula sa aking pwesto ang masarap na pritong galunggong na niluluto ni Nanay, na paborito naming ulam lalo na kapag umuulan. Tila dinaya ako ng panahon na sa kabila ng kakapalan ng mga ulap sa himpapawid, hindi lumuha ang langit. Marahil nasanay na rin ito sa malusog na pagsikat ng araw tuwing tanghali. Naisip ko ngang sana ay may magpakasal na maligno ngayon upang umulan ng malakas kahit na tirik na tirik ang araw. Ngunit nabigo ako.

Paborito ko ang tag-ulan lalo na kapag sumasapit ang dapit-hapon. Alam kong uulan kapag ang mga kulisap ay nagkakagulong magsiliparan pabalik sa kani-kanilang mga lungga. Masaya ako kapag umuulan. Nais kong maligo at magtampisaw sa malamig nitong tubig. Nais kong kumawala sa init ng nagdaang araw, isang pagbabanlaw sa lahat ng pagod at hirap mula sa matinding sikat ng haring liwanag. Ibinabalik nito ang larawan ng aking kabataang araw-araw ay nais kong balikan. Ang ulan para sa akin ay isang katuparan ng pinakaaasam na kahinahunan ng mundong aking ginagalawan. Isang paghuhugas sa mga alinlangang nadarama ko sa kabila ng kabutihang idinudulot sa akin ng buhay.

Inabot na ako ng dilim sa pag-asang kahit papano ay magpaparamdam ang ulan. Tumingala ako sa langit, pinakiramdaman ng dalawa kong kamay kung may papatak na tubig mula sa itaas, ngunit sa halip, sumagi sa paningin ko ang nagliliwanag na buwan. Bilog ito. Bilog na bilog. Natatabunan ito kapagdaka ng mumunting ulap na sa hinuha ko’y nagpapapansin at nagsasabing huwag na akong umasa sa pagpatak ng ulan, sapagkat bukas ay matinding init ang mararanasan ko na namany. Napangiti ako. Napatawa. At mula sa damuhang kinauupuan ko, naitanong ko sa aking sarili: Bakit ko ba kinakausap ang ulap? Maaawa kaya ito sa akin kapag nakiusap akong sana ay umulan ngayong gabi?

Napatungo akong bigla at nagbuntong-hininga. Nagsindi ng sigarilyo. Hitit sabay buga pampatanggal ng inip na kanina pa sumusukob sa akin. Ilang sandali pa’y naubos ko na ang tangan kong pansunog-baga. Nagmasid akong muli sa tahimik na paligid. Maya-maya pa ay napaling naman ang pansin ko sa maingay na paglipad ng isang eroplano. Matayog ang lipad nito. Matayog na matayog. Matayog pa sa saranggolang gawa ni tatay. Isang alaala muli ng aking kabataan ang biglang nagbalik. Naalala kong noon, kapag may dumaraang eroplano sa langit, kasama ng mga kalaro ko ay sabay-sabay kaming kumakaway at nagpapaalam dito. Isang pamamaalam na taglay ang pangako na isang araw ay magbabalik ito at sa pagkakataong yaon ay isasama niya at isasakay ako.

Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang kanina lamang ay nagmamayabang na liwanag. Hinihintay ko paring sana kahit ambon man lang ay biyayaan ako ng langit. Nahiga akong sandali at tulad ng lagi kong ginagawa kapag nababagot, umawit ako. Isang awit ng paghihimagsik. Isang awit ng pag-asa na sana ay marinig ng ulap ang dumadagundong kong tinig upang magalit ito, marindi, at mapundi, ng sa gayon ay magbuhos ito ng luha na kanina ko pa inaasam. Ngunit walang nangyari. Walang tumugon sa awit ko kundi kagawaran ng mga ibong malayang lumilipad sa alapaap at ang ingay ng mga kuliglig. Sa kabila noon, nanatili ang katahimikan ng buong paligid.

Noong bata pa ako, wala akong kalayaang magpasya na maligo sa ulan. At alam kong sa bawat pagpupumilit kong magtampisaw ay pagagalitan ako ng aking mga magulang. Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan. Hanggang ngayon.

At ngayong malaya na akong maligo kahit anong oras na bumuhos ang ulan. Ngayon pang mas pipiliin kong magtampisaw sa tubig nito kaysa ang manatili sa loob ng aming silid-aklatan upang magbasa ng mga panitikan patungkol sa ulan. Ngayong wala ng makapipigil sa aking magpagulong-gulong sa nakabibighani nitong tubig. Ngayong hindi ko na kailangan pang uminom ng isang basong tubig kapag nangangamoy alimuom. Ngayon pang malaki na ako at marunong ng magpasya para sa sarili, ngayon pa ako pinagtataguan ng ulan.

Sa kawalan ng pag-asa, nagpasya na akong pumasok sa aking silid. Malungkot ako. Malungkot na malungkot. Pakiramdam ko’y pinagkaitan ako ng mumunti kong kahilingan. Para akong isang batang nakalimutang bigyan ng regalo sa kanyang kaarawan. Maging si Nanay at si Tatay na bayani ng aking buhay ay walang nagawa. At sapagkat lumalalim na ang gabi, iniwan ko na ang damuhang iyon at nagpaubaya – na kung sakali mang umulan kahit gapatak ay madiligan ito ng sapat upang lumago at sumibol. Hindi ko na mapigilan ang tuluyang pagsakop sa akin ng isang dalisay na antok. Bukas ay maghihintay akong muli sa pagbisita ng ulan. Sana ay hindi na niya ako biguin. Sa pagkakataong iyon, nakatulog ako ng mahimbing. Mahimbing na mahimbing. Pakiramdam ko’y kinukumutan ako ng isang mapagarugang hangin. Katulad ng pagkukumot sa akin ni Nanay kapag ako ay nilalamig. Hanggang magising ako isang tanghaling mataas na mataas na naman ang sikat ng haring araw.

Hindi ko man lamang namalayang umulan pala buong magdamag.

Lahok para sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.

2012/03/26 - Posted by | Sari-saring Katangahan.

14 Comments »

  1. salamat sa paglahok🙂

    Comment by Bino | 2012/03/27 | Reply

  2. magaling at maayos ang daloy ng kwento.

    goodluck sir!

    – jay rulez

    Comment by Rj de Lemos | 2012/03/27 | Reply

  3. dito walang ulan….1 beses lang sa isang taon! hehehe

    Comment by iyah (@iyakhin) | 2012/03/27 | Reply

  4. dito naman umulang ng konti kya lang hailstorm… sakit pag tumama sa ulo hehehehe

    Comment by marky | 2012/03/27 | Reply

  5. u na Bill, u na..🙂

    Comment by Raine23 | 2012/03/27 | Reply

  6. Nice🙂

    Comment by Shei | 2012/03/27 | Reply

  7. Husay ah! ang galing! palakpakan…

    Comment by PALOMAH | 2012/03/30 | Reply

  8. its you already .. hahaha

    tama c jayrulez🙂

    Comment by bagotilyo | 2012/03/30 | Reply

  9. Mapaghamon sa damdamin ng mambabasa itong iyong lahok Sir.

    Maraming puwedeng paganahin kapag umuulan. Ang ating mga utak na pwedeng magdikta ng isusulat. Ang mga pananim na naghihintay sa patak, ang mga ibong nais maligo man lamang.

    Ihi daw ng Diyos ang ulan. Kay dami naman.
    🙂

    Comment by J. Kulisap | 2012/03/31 | Reply

  10. wow good luck syo!

    Comment by McRICH | 2012/04/06 | Reply

  11. nag-iintay ng ulan, galing nman ng tema ng storya!

    Comment by palakanton | 2012/04/09 | Reply

  12. haha galing!! sayang naman ang pagihihintay umulan pala magdamag hehe

    Comment by BON | 2012/05/10 | Reply

  13. Nagbasa. Humusga. Tulad sa nailathalang lahok, naghintay ako ng ulan at sa bandang huli’y naambunan ng nais ipahiwatig ng may akda.

    Comment by taga-bundok | 2012/05/15 | Reply

    • ako ay isa ring tagabundok. salamat at nagkita tayo dito sa aking campsite.😀

      Comment by bienthoughts | 2012/05/15 | Reply


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: